Limang Oras Na Pagitan: Kamatayan

Posted: September 3, 2010 in Personal
Tags: , ,

Nagkaroon akong muli ng katatagan at desisyon para bigyang paglalahad ang mga pangyayari sa likod ng Balik Tanaw dahil sa panaginip ng aking mahal na ina at mahal na bunsong kapatid na babae at maging sa aking bagong kaibigan na si Kuya Kulisap (Minsan na namin itong napagusapan at ibinigay nya sa akin ang mensahe na nakaimbak sa kanyang celphone).

Limang oras na pagitan…
sana ay aking maabutan
makaapak sa bayang sinilangan
matanaw ang aming tahanan
maalo ang pamilyang naiwanan
maibulalas ang nararamdaman
maibuhos ang bugso ng kapighatian
mayakap ang malamig mong katawan
maihatid ka sa huling hantungan

Halos anim na buwan na ang nakakaraan. Napakabilis ng mga segundo, minuto, araw at linggong bumuo sa anim na buwang puno ng mga katanungan. Sa kalaliman ng pagkakahimbing ay di maiwasan ang paghikbi at pagluha. Nakasanayan ng kasalo ang unan sa pagpahid ng mga luha. Sa bawat baling ng katawan sa higaang pinaglalagakan at sa paulit-ulit na pagdilat ng mga mata ay pilit nitong pinapatay ang himahinasyong tahanang inaasam-asam. Anim na buwan; patuloy pang madaragdagan at makakasanayan na rin ang pagbibilang hanggang sa tuluyan ng makalimutan

Dalawang linggo matapos ang libing ng aking kapatid ay nakakain din ako ng maayos. Aaminin kong nahirapan akong harapin ang aking mahal na ina at aking mga kapatid sa cyberspace noong Biyernes isang araw matapos ang paghatid sa kanya… na alam namin na hindi na siya muling makikita pa dito sa lupa. Isinaulo ko ng mga oras na iyon na wala ni-isa mang patak ng luha ang aagos sa aking mga bintana. Eksaktong dalawang linggo ay isinakay ako ng aking kama sa isang panaginip

Matang basa ng mga luha ang sumambulat. Tanaw ang isang babae na hindi magkamayaw sa hindi malamang kadahilanan. Lulubog at sisigaw ng tulong sa muling paglitaw. Talsik ng tubig ang nagiging resulta sa bawat kumpas ng kanyang mga palad. Sa bawat paspas at hampas ng kanyang mga kamay ay malalaking alon ang nabubuo. Bulubok ng tubig ang huling himig na narinig. Hindi na muling nabanaag pa ang babae at maging ang tubig ay tuluyan ng namayapa na para bang walang nangyari.

Sa una kong panaginip ay patuloy kong inaangkin ang buhay para sa akin at aking pamilya (breath prayers of declaring spirit of life to me and my family through Him). Masalimuot ang aking unang panaginip. hindi ko ito binanggit sa aking mahal na ina o kanino man; maliban sa aking matalik na kaibigang babae at sa mga namumuno sa amin dito sa aking kinalalagyan. At pagkaraan ng dalawa pang linggo, sa muling pagdaop ng mga talukap ng aking mga mata ay idinuyan akong muli ng aking lupang katawan sa dako paroon.

Isang batang dilag ang bumungad na tangan-tangan ang kanyang gitara. Tinitipa habang sinasabayan ang mga papuring awitin. Masaya ang tanawin, kasama niyang nag-aawitan ang mga iilang kabataan na sa pakiwari ko’y kaniyang kasamahan. May musika, may buhay, may himig, may mensahe, may tinig, may kahulugan. Subalit sa isang iglap ay napuno ng katahimikan ang paligid, wala ng buhay, nakabibingi, katahimikan, payak, walang kahihinatnan.

Pinahid na ng mga unan ang halos tuyo kong mga luha. Sunod-sunod ang mga pangit kong panaginip. Muli kong inusal ang ispiritu ng buhay na sa kanya nanggagaling. Minsan sa isang araw ay hindi ko maiwasang hindi mag-alala. Madalas mula sa pinakadulong bahagi ng aking katawan ay makakaramdam ako ng panlalamig. Sa kabila nito ay pinili kong magpatuloy. Sa kabila ng mga hindi kanais-nais kong panaginip ay pinili kong buklatin ang panibagong pahina sa aking buhay ng may pag-asa. Sa kabila ng mga panaginip.

Mga pangyayaring hindi maiwasan. Dala minsan ng kalituhan, pagkainip, o pagkauyam. Marahil ito lang ang abot ng kaisipan, damdamin o isinisigaw ng puso. Sa pagkakapinid ng pintuan pilit namang binabaklas ang dingding. Kalimutan, ibaon o iwaksi… kakayanin

Napilitan akong isara ang aking naunang dalawang blag. Madami ang naging kadahilanan: 1. pangseguridad, 2. ninanis ko mismo na kalimutan ang mga iilang masasaklap na pangyayari sa aking buhay, 3. hindi ko pa ulit kayang magsulat ng magaganda, positibo, nakapagbibigay inspirasyon na mga artikulo at 4. naghahanap ako ng makakaramay. Muli akong nakasumpong ng ilaw sa pagsusulat noong araw na:

“Sige lipad lang, hawak at kapit,” sigaw ng isang munting kulisap. “Pwede ba kitang tawaging  kuya?” usal ng aninipot. “Salamat sa iyong panalangin,” dugtong ng isang dalaga, sisa kung siya ay tawagin. “Ang iyong mga tula ay nakapagbibigay ng inspirasyon,” sabi ng mga napadaan sa aking lungga. “Ang ganda ng isinulat mo. Ako ay maybahay ng isang OFW, ” wika naman ni Ms. Chin. “Sir, it’s short pero moving, ” saad pa ni Carmine. “Namiss ka namin sir,” iisang sigaw ng aking nakasama at naging mag-aaral sa Academy.

“Chat Day” noong nakaraang Huwebes, pero ang mga linyang binitiwan ng aking mahal na ina at ng aking nakababatang kapatid na babae ay nag-iwan sa akin ng mahalagang aral. Ang Maykapal ay hindi natutulog sapagkat dinulog niya ang aming mga panalangin.

Panaginip ay paglipad, makahulugan at hindi matarok kung minsan. Kayang baguhin ang mga pangyayari sa iisang iglap lamang. Balot ng hiwaga at suklob ng mangha.

Napanaginipan ng aking mahal na ina ang pumanaw kong kapatid. Sila ay nagkita kung saan. Binanggit ng aking kapatid na sa kanyang kinalalagyan ay napaksaya. Hindi daw gitara ang gamit niya sa kanyang pagpupuri kundi plawta. Prutas ang kanilang kinakain. Bukas na ang kanyang pintuan ng siya ay pumanaog sa Ama. Kung gayon nagpipilit na sumama ang aking mahal na ina sa kanya wika niya, “Tutal masaya pala diyan ay isama mo na ako”. Pauulit-ulit namang sinasabi ng aking kapatid na, “Hindi pa bukas ang iyong pintuan. Ako, pagkadating ko palang dito ay nakabukas na ang aking pintuan.” Sila ay naghiwalay sa panaginip. “May kalinawan na ang lahat,” bulong ko sa aking sarili habang kausap ko ang aking ina.

Kasagutang nais marinig kasabay ng bawat pintig. Mga kasagutan sa maraming tanong ay nadinig. Hindi nga natutulog ang Lumikha, hindi kailanman.

Sumunod na nagsalaysay ng kwento ang aking kapatid na bunsong babae. Natagimpan nya ang aking mahal na ina sa kanyang panaginip na wala ng hininga. Ayon sa kanyang salaysay ay nabuhay maguli ang aking ina. Sa kanyang paggising ay apaw ng luha ang kanyang mga mata.

Kayhiwagang tunay iyong mga kaparaanan, ‘di matarok nitong aming kaisipan. Kaysarap ngang tunay na ikaw ay kapiling ‘pagkat sa iyong mga kamay panatag at may lambing.

Kamatayan nasaan ang iyong bangis at tapang?

Limang oras na pagitan…
hininga ay pwedeng mawakasan
ikot ng buhay ay mabago maging buong kapalaran
maaring mabigo o may makamtan
suklob nito ang kadiliman at kalangitan
‘di pwedeng mahulaan
kadiliman o kalangitan ang kasasapitan
payapa, tahimik, matiwasay at ngayo’y may kasiguraduhan

——-

Napanaginipan ko ang aking sarili na namatay sa bansang aking kinalalagyan sa kasalukuyan. Sa aking panaginip ay nakita ko ang aking mahal na ina na nalulunod at nawalan ng buhay. Maging ang aking kapatid na bunsong babae ay ganoon din ang sinapit… nawalan ng buhay.

Napanaginipan ng aking ina ang aking kapatid na pumanaw samantalang ang kapatid kong babae ay napanaginipan din ang aking ina na nalagutan ng hininga ngunit nabuhay maguli.

Kung tutuusin mahirap matarok ang mga ito. Mahirap kung iisipin at kung ito ay mangyayari. Sa mga panaginip namin ay may nais akong ibahagi ito ay ang mga sumusunod:

1. Ano nga ba ang damdamin ng ating Maykapal sa pagkawala ng kanyang mga anak?

Precious in the sight of the LORD is the death of his saints.

*Mahalaga tayo sa kanya. Napakahalaga.

2. Ano ang sabi Niya tungkol sa kamatayan?

He who overcomes will not be hurt at all by the second death.

*Makaramdam man tayo ng kalungkutan at sakit, alam naman natin na mapagtatagumpayan natin ito sapagkat tayo ay mga dayo lamang sa mundong ibabaw.

3. Ano ang tinutukoy ng aking kapatid na pintuan sa panaginip ng aking ina na nagpupumilit ng aking ina na sumama sa kanya?

Ako ang Banal at Totoo. Ako ang may hawak ng susi  ni David na nagbubukas at walang makakapagsara nito, nagsasara ako at walang makakapagbukas nito. Nalalaman ko ang iyong mga gawa, narito, inilagay ko sa harap mo ang isang pintuang bukas at walang makakapagsara nito sapagkat kaunti ang iyong lakas at tinupad mo ang aking salita at hindi mo ipinagkaila ang aking pangalan.

*Ang mga pintuan sa buhay natin (opurtunidad, katanyagan at ang mismong buhay natin) ay kanyang hawak. Alam nya kung kailan nya ito bubuksan at isasara. Kapag siya ang nagsara, walang sinuman ang maaaring magbukas at kapag siya ang nagbukas walang sinuman ang makakapagsara.

4. Ano ang prutas na tinutukoy sa panaginip?

Sa sinumang magtatagumpay, ibibigay ko sa kaniya ang karapatang kumain sa bunga ng punongkahoy ng buhay na nasa gitna ng halamanan ng Diyos.

Ibibigay ko sa magtatagumpay ang karapatang kumain ng manang itinago ng Diyos.

*Na mayroong buhay pagkatapos ng kamatayan.

5. Anu-ano ang mahalaga sa kamatayan?

Bibigyan ko siya ng isang puting bato kung saan isinulat ko ang isang bagong pangalan na walang sinumang nakakaalam sa pangalan maliban lang sa makakatanggap nito.

Ang magtatagumpay ay daramtan ko ng maputing damit. Hindi ko buburahin kailanman ang kaniyang pangalan sa aklat ng buhay. Kikilalanin ko ang kaniyang pangalan sa harapan ng aking Ama at sa harapan ng kaniyang mga anghel.

Ang magtatagumpay ay bibigyan ko ng karapatang maupong kasama ko sa aking trono, katulad din ng aking pagtatagumpay. At ako ay umupong kasama ng aking Ama sa kaniyang trono.

*Na tayo ay binigyan nya ng bagong pangngalan. Kung dati ay mamatay tao tayo, ngayon ay tagapagbigay na ng buhay (life and hope giver). Katulad ni Jacob na naging Israel, Saul na naging Paul, Abram na naging Abraham, Sarai na naging Sarah at Simon na naging Peter. Dahil ang mga pangalan na bitbit natin ay may mga kanya-kanyang kahulugan. At sa pagpapasakop natin sa kanya ay bibigyan nya tayo ng bagong pangalan… magandang pangalan na inererepresenta ang taglay nyang kabaitan at liwanag. Mula sa kaitiman at kadungisan tayo ay kanyang bibihisan ng napakaputi bilang kanyang paglilinis sa atin at higit sa lahat ay may karapatan na tayong umupo kasama Niya sa langit.

Alam ko naman ang mga ito. Alam ko naman ang aking kapatid ay nasa mabuti ng mga kamay. Umaawit at nagpupuri sa langit. Alam ko naman na ang mga panaginip namin ay may ibig sabihin…Buhay! Alam ko! Ngunit pansamantala kong kinalimutan ang mga ito. Ang aking mentor sa Missions ay ipinaliwanag na niya sa akin ang mga ito at maging ng aming pinuno sa panambahan dito. Noong nakaraang Huwebes lamang naganap ang mga senyales at mga patunay sa kanilang mga tinuran. At ito rin ang naging mensahe ko sa aming gawain noong nakaraang Biyernes na akin pang pinaghandaan mula Lunes hanggang Miyerkules bago ang “Chat Day ni Sir.”

Limang oras na pagitan mula Pilipinas sa aking kinalalagyan.

Limang oras na pagitan…
hindi na masasaktan sa kamatayan
may bagong buhay na nag-aabang
pag-asa at pag-ibig ang kanyang taglay
kakain sa kanyang hapag kainan
magpupuri at mag-aawitan
taglay ang batong puti na may bagong pangalan
kabahagi na ng Kanyang Angkan at Kaharian.
All Grory to HIM!
See you at Eastern Gate my dear brother!
Comments
  1. J. Kulisap says:

    Sabi mo siya ay tumututog gamit ang plawta.
    Sa panaginip, pinapasulyap ang mga nangyayari at pwedeng maganap.
    Subalit, kung iintindihin, nandon ang lupang pangako na sa iyong paniniwala ay talagang nakalaan para sa mga mabubuti.

    Maging panatag para sa natitirang misyon sa mundong ito.

    Nasa iyo ang layunin.

    • themizpah says:

      maraming salamat kuya kulisap, sana matapos ko ito hanggang bukas at ng ang aking mga punto ay maihayag. Sa kanya lamang ang kapurihan!

      • J. Kulisap says:

        Ihahatid ka ng iyong paniniwala sa pintuang kusang magbubukas at bibigyan ka ng bagong ngalan ayon sa iyong gawa sa lupa na naging tahanan ng iyong misyon bilang ibang ngalan.

        Mabuhay ka Pongkie

      • themizpah says:

        At alam kong magkikita lahat tayo doon. At ang ating mga tangang bagong pangalan ang maghahatid sa atin sa tunay nating tahanan.

        Maraming salamat kuya!

  2. aninipot says:

    i never thought na malaking halaga pala sayo ang simpleng paghingi ko na tawagin kitang kuya… maraming salamat din at pinayagan mo akong tawagin kang kuya.

    mahirap nga pag kamatayan na ang pinag-uusapan, mahirap para sa ating mga naiwan pero kuya, tandang-tanda ko ang sinabi ng lola ko ” wag iyakan ang namatay bagkus ay magpasalamat dahil sya ay nasa kamay na ng maykapal”.

    salamat sa pagbahagi ng iyong kwento kuya… Godbless po.

    • themizpah says:

      salamat din waling aninipot, yan ang mga bagay na nakapagpapasaya sa akin ang makatagpo ng mga bagong kaibigan. Susubukan kong tapusin ang nalalabi pang bahagi. Salamat ng marami. Sa kanya lamang ang lahat ng kapurihan.

  3. Salamat po sa pagbahagi mo ng iyong karanasan. Kahit may kalungkutan, nawa ang Diyos pa rin ang iyong maging kagalakan at kalakasan. Press on!

    • themizpah says:

      Wow! Ang nabanggit mo ay ang message na ibinigay sa akin ng Diyos noong nakaraang Biyernes, Pressing on Goals. Sabi ko nga sa ending ng message, Sa kung papaano natin tatapusin ang laban, naglalakad, gumgapang, tumatakbo o lumulundag ay dapat nating tapusin ang Goal natin which is heavenward! Salamat po ng marami.

  4. ngayon ko lang to nabasa, themizpah.
    i’m sure your brother must be very proud to have you as his kuya.
    i admire your strength and your optimism despite what happened.
    at alam ko masaya na sya sa piling ni God, happily watching over you and your family.

    God bless, themizpah. keep inspiring us through your deeds…

    • themizpah says:

      Glory to God Ms. Greenbellpepper. I am no of perfect person, I have many weaknesses and fall short but I ahve confidence in Christ nothing is impossible. Apart from HIM we can do nothing.

      Salamat sa time na basahin mo ito, at agree ako sa lahat ng mga sinabi mo na my brother is with Him.

      Thank you and God bless!

  5. kaspangarigan says:

    “Alam ko naman ang mga ito. Alam ko naman ang aking kapatid ay nasa mabuti ng mga kamay. Umaawit at nagpupuri sa langit.”

    Medyo mali ang iyong pananaw sa puntong ito sapagka’t ang pagka-mamamayan sa langit ay sabay-sabay at walang mauuna. Walang umakyat sa langit kundi ang nanggaling sa langit. Kahit ang mga Apostol at mga propeta ng Dios ay hindi kinamtan ang pangako ng bukod sa ating mga nasa huli.

    Heb 11:37 Sila’y pinagbabato, pinaglagari, pinagtutukso, pinagpapatay sa tabak: sila’y nagsilakad na paroo’t parito na may balat ng mga tupa’t kambing: na mga salat, nangapipighati, tinatampalasan;

    Heb 11:38 (Na sa mga yaon ay hindi karapatdapat ang sanglibutan), na nangaliligaw sa mga ilang at sa mga kabundukan at sa mga yungib, at sa mga lungga ng lupa.

    Heb 11:39 At ang lahat ng mga ito, nang sila’y mapatotohanan na dahil sa kanilang pananampalataya, ay hindi kinamtan ang pangako,

    Heb 11:40 Na ipinaghanda ng Dios ng lalong mabuting bagay tungkol sa atin, upang sila’y huwag maging sakdal ng bukod sa atin.

    Ang sabi ni Cristo.

    Jn 14:2 Sa bahay ng aking Ama ay maraming tahanan; kung di gayon, ay sinabi ko sana sa inyo; sapagka’t ako’y paroroon upang ipaghanda ko kayo ng dakong kalalagyan.

    Jn 14:3 At kung ako’y pumaroon at kayo’y maipaghanda ng kalalagyan, ay muling paririto ako, at kayo’y tatanggapin ko sa aking sarili; upang kung saan ako naroroon, kayo naman ay dumoon.

    Lahat tayo ay naghihintay ng kanyang pagbabalik, kaya maling sabihin na ang iyong kapatid ay umaawit at nagpupuri na sa langit.

  6. Sabi nga ng Panginoon sa katabi nyang magnanakaw na nakabayubay din sa krus – Today, you will be with me in paradise… At sa Kanyang kwento tungkol kay Lazarus at sa mayamang tao…

    It is in this hope that we believe your brother is now singing praises to God…

    Ang galing mong magsulat… Mapapadalas na ako rito…

  7. katrinadanieles says:

    wow..alam mo, ang galing mong magsulat.. sa palagay ko, binigay talaga sa’yo ang talento ng pagsusulat dahil alam ng Diyos na gagamitin mo yan para sa Kanya. =) ang araw ng kamatayan ng kuya mo sa lupa ay araw ng kapanganakan niya sa langit. =) Glory to God! =) tatawagin na rin kitang kuya..pwede ba? =)

    • Pong says:

      salamat kat, oo naman kuya nalang ang itawag mo sa akin.

      yep the beginning of everything is death.

      God bless kat! pasensya naman ngayon lang kita na i-WELCOME dito at ngayon ko lang sinagot mga koments niyo. God bless!

  8. J. Kulisap says:

    Where he is now, I knew he is happy.

  9. Nortehanon says:

    Sa kwento mong ito, naalala ko noong minsan ay nakipaglamay ako sa isang kaibigan. Naroon ang kanyang ina at naghihinagpis. Ang tumatak sa isip ko ay ang eksenang umiiyak siya at narinig kong sinabi niya na: “Anak, ni sa hinagap ay hindi ko naisip na makikita kita sa loob ng kahon na ‘yan. Sobrang sakit. Ang magulang ang dapat na inihahatid ng anak sa huling hantungan. Masakit sa isang magulang ang maghatid ng anak sa kanyang hihimlayan.”

    Thank you for sharing this story, Pong.

    • Pong says:

      Tama po kay Ms. N. si nanay din sabi niya mahirap daw po talaga. Nag-alkala din sila sa akin kasi daw ako mag-isa lang dito walang kadamay.

      Pero sa tulong ng Diyos naman po sa loob ng isang taon ay nakaraos na at nagiging matatag na!

      God bless po Ms. N!

  10. WP says:

    Alam kong napag usapan na natin ito ng maraming beses Pongkie at sa bawat pagkakataon na iyon ay nalulungkot ako pero humahanga sa iyong katatagan at tiwala sa KANYA. Masakit talaga ang mawalan ng mahal sa buhay pero mas masakit ang hindi mo man lang magawang akbayan ang iyong mama at mga kapatid nuong panahon na iyon. Weh! ang drama ko pero wag kang mag alala pongkie masaya ang bro mo sa heaven dahil alam niyang mahal mo siya sampu ng iyong mga kapatid at magulang. Be blessed pongkie.

    • Pong says:

      Salamat naman sir WP sa isnag madamdamin mong koment.
      oo nga napag usapan na natin yan kung paano ko gustong madaliin ang ramadan na matapos. ewan basta natatakot ako sa ramadan.

      salamat sa suporta at pang-unawa.

      God bless sir!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s