Archive for the ‘Kwentong Disyerto’ Category

Ang Huling Kapat sa Ilang ay sariling koleksyon ng mga tula/istorya sa nalalabing tatlong buwan sa disyerto.

Advertisements

Langhap Sarap

Posted: Pebrero 9, 2011 in Kwentong Disyerto
Mga kataga, ,

Sa wakas bukas na ang paborito kong fast food chain sa Pilipinas.

Ipinakikilala ko sa inyo ang Jollibee (Al-Batha, Riyadh)!

 

Matitikman ko na rin ang C3.

Kitakits sa mc…Jollibee. 

Personal:

Salamat po sa mga parating nadaan sa blog ko. Medyo marami po akong inaasikaso. Be blessed po!

Christmas 2009

Posted: Disyembre 11, 2010 in Kwentong Disyerto

Ito na ang ikalawang Pasko ko sa disyerto. Noong nakaraang taon ay may salu-salo ng mga kapatiran na aming hinahayagan ng Mabuting Balita. Nagkaroon din ng malaking salu-salo sa bahay-panambahan isang linggo pagkatapos ng Pasko.

Ang totoo, hindi ko alam kung paano ito maitatawid ng hindi nangungulila sa Paskong Pinoy ngayong taon. Akala ko sapat na ang nakaraang Pasko para makabisa ang ganitong pakiramdam: pangungulila at pananabik sa pamilya. Hindi pala. Hindi pala kayang tumbasan ng teknolohiya o ilang libong riyals ang ganitong pakiramdam.

 

 

Bakasyon

Posted: Nobyembre 27, 2010 in Kwentong Disyerto
Mga kataga, ,

Nagpapanggap lang daw akong hiatus ayon kina Ginoong Kulisap at Sir Roland kaya heto isasalaysay ko na ang aking naging bakasyon noong  Hajj Holidays (Nobyembre 13-19) sa Al Kharj (Agricultural Zone ng Central Region). Halos isa’t-kalahating oras ang biyahe mula Batha, Riyadh papuntang Al Kharj. Mabilis ang biyahe dahil walang traffic at babagal lang ng kaunti sa may check-point palabas ng Riyadh at papasok naman ng Al Kharj.

Ang Al Kharj ay tinaguriang Agricultural Zone dahil dito nakalagak ang mga hekta-hektaryang farms (vegetables at fruit farms, dairy at poultry farms). Mapalad ako at may mga nag-aya sa aking magbakasyon sa SADCO/SPC (Saudi Poultry) at natunghayan ko kung paano nakakarating ang mga itlog na aming binibili sa mga groceries at bahkala (tindahan). 

Let the pictures do the talking (mula sa layer-house hanggang packaging). Models: Pong and Engr. Noel.

 

Iyan po ang dinadaanang proseso ng mga itlog dito bago mailuto. Bow!

Meron din silang liquid egg na tinatawag ito yung ibinebenta sa mga bakeries. Models: Pong, Engr. Noel, Engr. Roland and Vincent.

At ang pinaka-importanteng bahagi ng aking bakasyon ay ang makapag-Bible Study kasama sina Engr. Noel at Vincent. Pero bago naganap ang aming pag-aaral ay kumain muna kami. Yehey!

Ang napag-aralan nga pala namin ay nasa Revelations 2:17. Ito ay tungkol sa pangalan ng bawat isa. Ang pangalan ng isang tao ay sumasalamin sa kanyang karakter. Karakter na kilala ng mga taong nakakasalamuha sa araw-araw. At ang pangalang bigay sa atin ng Diyos ay mahalaga. 

Maraming salamat sa aking mga kaibigan na sina Engr. Noel at Vincent, dalangin ko na sumahod na din kayo. Hanggang sa muling pagkikita.

PS

Salamat din sa pag-aruga niyo sa akin sa dalawang araw na aking pagkakasakit. 

 

 

 

Taglamig na dito sa disyerto. Uso na naman ang sakit na homesickness at flu dahil sa pagpapalit ng panahon. Pero ang naunang sakit ay all-year-round present yan, kumbaga sa class record ay perfect attendance.

Kahapon ay schedule ng division namin ng flu shots. Pangontra siyempre sa flu at maging sa yellow fever. Tinurukan kaming lahat – one at a time. Kinuhanan pala ako ng larawan ni Ma’am Olive and na-murder ako, hindi ni Ms. Nurse from US of A o Ma’am Olive kundi ng picture (Ok, una hindi ako photogenic – in short pangit ako at pangalawa patakas o bawal kasi ang pagkuha ng larawan dito – nagulat nga si Ms. Nurse from US of A bakit kinuhanan ako ng larawan ni Ma’am Olive).

I was shot and murdered.

***

Heto nga pala ang mga sagot sa mga tanong sa post na Random.

  • Tanong 1: Ano ang kakaiba/makikita sa Date Tree B? Sagot: May ahas ang Date Tree B.
  • Tanong 2: Base sa malabong larawan ano sa tingin mo ang handa nung gabing iyon? Sagot: Sphagetti Noodles na i-sinopas.
  • Tanong 3: Kung si Uncle Sam ay may 911 para sa anumang sakuna o aksidente, ano naman ang 163 sa Pilipinas? Sagot: Bantay Bata
  • Tanong 4: Ano ang blog award na ibinigay ni Ms. Chin sa akin? Sagot: Versatile Blog Award
  • Tanong 5: Ano ang ginamit nina Martin at Arlo bilang pananggalang sa pagsusugat/pagtutuklap ng kanilang mga labi tuwing taglamig sa disyerto? Sagot: Petroleum Jelly

Salamat sa mga nagbigay ng mga sagot:

Bahala na si Sir Roland sa mga papremyo kasi hindi niya alam na ipinamigay ko ang mga gamit niyang nagpapasikip sa kanyang kwarto. Concern lang naman ako baka kasi di na siya makahinga sa kwarto niya o pamahayan ng surot o ahas kapag hindi nai-dispose ang mga iyon. Ok, salamat na lang kasi wala naman talagang papremyo hihihihi.

***

Moral Lesson

Napakabuti ng Diyos dahil naka-avail ako ng flu shot sa kabila ng hindi naman dapat dahil hindi ako empleyado mismo ng ospital. Ginamit Niya ang aming direktor para ako ay maka-avail.

When Ninoy Aquino appeared in 700 Club Asia to testify the goodness of our Lord Jesus Christ in his life I was deeply moved.

“The message is welcome your suffering because God will never give you a suffering that will break you. It’s only manifestation of His love. I think that He’ll make us suffer to really realize Him, because when we’re in glory we don’t know Him. But when we suffer we remember Him, I think that’s the message.” – Ninoy Aquino
 
Thank you Lord for my sufferings and let your glory shine on me, on us.
 

 

Ito ay mahabang post at ang makakatapos ay may premyo galing kay Sir Roland mula Ikea (hihihihihi). Masikip na daw kasi ang kanyang kwarto (hahahaha).

Khamsa Riyal (Five Riyals – Five Riyals) – Oktubre 15, 2010

Bilang paghahanda sa isang outdoor activity ng bahay-panambahan (Hajj Holidays) sa mga kapatiran ay sinadya (ocular inspection) namin ang Khamsa-Khamsa. Isa itong lugar-pasyalan na kalimitang dinadayo ng mga Pinoy para mag-bonding. Para ka ding nasa pasuguan (embassy), diplomatic quarters o ospital na hindi na kailangang mag-abaya (ito ang itim na kasuotan ng mga kababaihan – lahat ng lahi ay kailangang isuot ito sa oras na lumabas ng tahanan) ang mga kababaihan at pwedeng mag-usap ang mga babae at lalake (hindi ko lang alam kung hindi pa nasisita ito). Walang kakaiba sa  Khamsa-Khamsa, sa katunayan ang makikita lamang dito ay bilyaran, basketball court, soccer field, race track, picnic grove at videoke.

Tinawag nga pala itong Khamsa-Khamsa dahil ang entrance fee ay Five Riyals bawat katao.

Tanong 1: Ano ang kakaiba sa Date Tree B? Ang unang makakasagot sa comment box ay mananalo ng sandamukal na kandila galing kay Sir Roland. hihihihihi

Gawain (Malayong Disyerto) – Oktubre 20, 2010

Agosto ng makauwi sa Pilipinas kong mahal si Partner sa gawain. Sa loob ng halos anim na buwan (tuwing Lunes) ay siya ang aking naging katuwang sa paghahayag ng salita ng Diyos sa malayong disyerto. Halos isang oras ang biyahe bago makarating sa lugaring iyon. Madalas kaming saksi sa palpak na AC/Desert Cooler ng aming kumpanya o kaya naman ay walang tubig o kuryente (napuputulan ng kuryente ang aming kumpanya dahil ‘di sila nagbabayad) dagdagan pa ng malabong araw ng pasweldo. Sa pag-uwi ni Partner ay isang buwan ko ding tinahak ang malayong disyerto na mag-isa. Kalaunan, nakumbinsi ko ang isang kapatid na samahan ako at siya naman ay nagpaunlak ng isang buwan dahil nagtapos na din ang kanyang kontrata noong ika-31 ng Oktubre (siya ngayon ay nakatengga at umaasang makakauwi bago mag-Pasko). Sa huling araw ng kaniyang pagsama sa akin ay nasaksihan niya ang pagtitiis ng aming kasamahan sa kumpanya. Halos dalawang buwan na natengga ang 7 sa mga kapatiran bago nakauwi (at meron pang 15-kabuuan sa tatlong camp na magta-tatlong buwan na nakatengga). Ramdam namin ang poot at galit nila sa kumpanya sa tuwing nagdadasal kami ay nakikipagspiritual battle kami sa external forces na kanilang bitbit. May pagkakataon na simula hanggang kagitnaan ay pautal-utal akong nagsasalita at ang bigat ng agos ng gawain. At may isang pagkakataon na nag-gawain kami ng walang ilaw at gamit lang ang mga flashlights ng celphone na kasabay naman ng pagdiriwang ng kaarawan ng isang kapatid.

(Ang salu-salo ng mga magkakapatid 7 sa kanila ay nasa Pilipinas na at 3 pa ang nakatengga sa Malayong Disyerto.)

Papuri sa Diyos dahil sa kahinahunang ibinigay Niya sa mga kapatid habang sila ay nag-aabang sa kanilang pag-uwi. Ngayon, isang hamon sa akin ang maghanap ng makakatuwang sa loob ng 5 buwan pang pamamalagi dito sa disyerto. Ang Diyos na ang bahala dun.

Tanong 2: Base sa malabong larawan ano sa tingin mo ang handa nung gabing iyon? Ang makakasagot ay mananalo ng tatlong 50 LT plastic storage box mula pa rin kay Sir Roland.

Aksidente, Nobyembre 4, 2010

Ang sasakyang ginagamit sa aming gawain ay totally wrecked na. Salamat sa pag-iingat ng Diyos at bugbog lang ang inabot ng mag-asawa at naihatid nila ang kanilang baby sa kanyang sitter bago nangyari ang aksidente. Papaliko sila sa pasukan ng ospital ng mag-counterflow ang rumaragasang trak. Sa kasalukuyan ay inaayos na ng insurance ng dalawang sasakyan ang dapat matanggap ng mag-asawa. Salamat sa Diyos.

Tanong 3: Kung si Uncle Sam ay may 911 para sa anumang sakuna o aksidente, ano naman ang 163 sa Pilipinas? Ang makakasagot ng tama ay padadalhan ni Sir Roland ng apat na cabinet mula sa IKEA. hihihihihi

Overnight, Eyeball at Function: Nobyembre 4-5, 2010

Pang-apat na beses ko ng makadalo sa function na iyon. Nagkakilala na din kami sa wakas ni Ms. Chin. Pagdating ko sa bahay nila ay tumulong ako sa paggugupit ng mga kinakailangan sa function at sinamahan ako ng kanyang asawa para pormal kaming magkakilanlan. Saglit lang iyon dahil abala ang bawat isa. Dahil pang-apat na beses ko ng nakitulog doon kasama pa ng ibang mga kapatid ay alam ko na kung saan hahanapin ang knapsack (hindi ako sigurado kung yun ang tawag dun).

Kinabukasan pagkatapos ng QT at nakaligo ay tumulong naman akong maghugas ng kahong-kahong ubas. Nagsurrender ng celphone (bawal ang celphone, kailangang alisin din ang baterya at isumite sa nakatalagang mga kapatid) at nagtungo na sa function. Abala ang bawat isa at sa mga panahong iyon dun lang kami nakapagkwentuhan ni Ms. Chin. Sa function na iyon ay nakasigaw ako ng malakas, nakaawit na walang inaalalang seguridad at nakapag-usap ng puso sa puso. Sa dinami-dami ng mga opisyal na photographer nun ay wala man lang kaming picture nina Ms. Chin, Kuya M at kanilang mga kulilits (Ms. Chin, kung may kuhang larawan po ako dun sa camera ni Kuya M ay i-send niyo po sa akin. Salamat po).

Paborito ko ang awitin ng mga bata na: “Jesus loves me, Jesus loves me and this I know.”

Madami akong natutunan sa function: Ang magbago at maging kagaya ng bata. Dahil ang Kaharian ng Diyos ay para sa mga bata. Hanggang sa muli pong pagkikita.

Ang nagsundo at naghatid nga pala sa akin ay ang mabait na si Kuya Danny.

Tanong 4: Ano ang blog award na ibinigay ni Ms. Chin sa akin? Ang makakasagot ng buong puso at katapatan ay makakakuha ng 4 na lampshades mula pa rin kay Sir Roland. hihihihihi

Taglamig, Emptiness at Kamatayan: November 7, 2010

Nagising ako na may tuyong dugo sa aking ilalim na labi, sa kabila ng pagpahid ko ng lip balm. Binigo din ako ng sandstorm at ulan dahil opisyal ng nagsimula ang taglamig na hindi man lang sila nagparamdam. Malamig na sa disyerto o sabihin na nating parang nasa Pilipinas na ang agwat ng temperatura. At sa mga susunod pang mga araw ay bababa pa ito hanggang 4 sentigrado.

Habang binabaybay namin ang daan pauwi basta na lang ako nakaramdam na parang mawawala na ako dito sa mundo. Nagtext ako sa kuya ko, pinasalamatan ko sila, sa aking matalik na kaibigan na nagbibigay ng pagkalito sa aking isipan at ilan pang mga kaibigan.

Sa tuwing pinaghihinalaan ako ng aking amo ay hindi ko mapigilang depensahan ang aking sarili dahil alam kong tama ako; pero sasabihin pa rin niya akong, “I don’t care with your explanations.” Sa tuwing uutusan akong pumunta sa grocery para bumili ng kanyang sigarilyo o dili naman kaya ay iligpit ang kanilang pinagkainan o itimpla sila ng kape o maghugas ng kanilang mga pinag-inumang tasa ay pikit-mata ko lang sinusunod. Sa mga pagkakataong naiisip ko ang mga kasamahan naming nakatengga ay nakakaramdam ako ng emptiness. Madalas tutulo na lang ang luha sa aking mga mata at mapapabuntong-hininga sabay dikta ng aking isip: “Madalas may mga pagkakataong wala ka Pong karapatang mamili dahil sa sitwasyon mo, kailangan mong tanggapin ang lahat ng may buong kapagpapakumbaban at hindi sa lahat ng panahon ay ganyan ang magiging eksena. Ang kapagsubukan bilang Kristiyano ay hindi  diyan nagsisimula at natatapos.”

Habang sinusulat ko ang blogpost na ito ay naalala ko ang punto sa function: Magbago at maging katulad ng isang bata. Ngayong gabi lalambingin ko ang aking Ama dahil alam ko kagaya ni King Hezekiah “I am entitled”. Maglalambing ako sa Ama, marahil katulad ng isang bata (na ang paghahari ng Diyos ay nasa sa kanila) hinihintay lang Niya akong maglambing sa Kanya.

Tanong 5: Ano ang ginamit nina Martin at Arlo bilang pananggalang sa pagsusugat/pagtutuklap ng kanilang mga labi tuwing taglamig sa disyerto? Ang makakakuha ng tumpak na kasagutan ay magkakamit ng mga hangers at wall clocks mula kay Sir Roland. hihihihihi

***

Nasaan ka o aking Diyos?

Bakit ako’y iniwan mo?

Ikaw na aking tanggulan

Tuluyan mo na ba akong iniwan o Diyos ika’y nasaan?

***

Nasaan ka o aking Diyos

Aking mga kaaway nagpupunyagi

Bulong nila’y, “sinasamba mong Diyos ika’y iwinaksi,

talikdan mo Siya ika’y ‘di magagapi.”

***

Nasaan ka o aking Diyos?

Alalahanin mo iyong lingkod

Pawiin mo yaring pagod at iahon sa kahihiyan

Lipulin mo sila’t igupo at ako’y muling ibangon mo!

— Psalm of Entitlement— pong

***

Ang posteng ito ay walang halong kalungkutan. Ako, bilang naniniwala sa Diyos, kagaya ng aklat ng Awit ay pwede tayong humiling sa Diyos sa paraang entitlement. Be blessed to all!

***

 







 

 

Huling Taglamig

Posted: Oktubre 13, 2010 in Kwentong Disyerto
Mga kataga,

“Nasaan na ba yun?” sambit ni Martin sa kanyang ka-kwarto.

“Dito ko lang nilagay yun e.” sunod pa niyang winika.

“Kung ang hinahanap mo ay ang petroleum jelly andiyan lang sa tabi ng libro.” tugon naman ni Arlo.

Magkababata sina Martin at Arlo. Alam ang likaw ng bituka ng bawat isa, maging ang posisyon ng bawat isa sa pagtulog ay kabisado nila.

“Mauna na akong aakyat sa bus at para mai-reserba kita ng upuan.” bulalas ni Arlo.

Dinala lang ng hangin ang winika ni Arlo dahil walang tugon na narinig mula kay Martin. Patuloy lang ang pagpahid niya ng petroleum jelly sa kanyang mga labi. Marahang pahid ang ginagawa niya habang tutok na tutok sa salamin at pinagmamasdan ang repleksyong nasa harapan nito.

“Hindi ka pa ba napapagod ah Martin?”

“Hanggang kailan ka pa ba magpapaalipin?”

“Bakit hindi ka na lang umuwi sa Pilipinas at magturong muli?”

“Nasaan na ang sinumpaan mong tutulong ka sa paghubog ng malayang isipan ng kabataang Pilipino?” bulalas ni Martin sa taong nasa salamin.

Bitbit ang baunan ay tinungo ni Martin ang kinalalagyan ng bus. Pagpasok niya ay siya namanng sabay na pagkaway ng kababata niyang si Arlo at dagli niya itong tinungo at umupo sa nireserbang upuan. Maingay at walang patid ang kwentuhan ng bawat isa. Banaag ni Martin ang aliwalas ng mga mukha ng mga kasamahan dahil siguro Miyerkules, huling araw ng trabaho at tapos na naman ang isang linggong pakikipagbuno.

“Nangingintab na naman ang mga labi mo parekoy!” usisa ng katabi.

“Baka may katagpong nars mamaya sa cafeteria mamaya.” dugtong pa ng isa.

Ngiti lang ang isinukli ni Martin.

“Martin, malapit na tayong bumalik sa Pilipinas anong plano mo? Babalik ka pa ba sa pagtuturo?” sunod pa ni Arlo.

Sa loob ng anim na buwang nalalabi ng kontrata nila ay iyon ang tanong ng kanyang kababata pero sa pag-usad ng tatlong buwan ay wala pa ding nakukuhang sagot si Arlo sa kanyang tanong mula sa kaibigan. Binaluktot na ni Martin ang kanyang mga tuhod upang maisandal niya ang kanyang ulo sa likuaran ng upuan. Senyales na siya ay matutulog habang binabaybay nila ang daan patungo sa ospital na kanilang pinapasukan.

Sa bawat dampi ng hangin na nagmumula sa bukas na bintana ng bus mula sa kinauupuan ni Martin ay sinasayaw nito ang kanyang buhok. Hanging madalas niyang kabulungan ng kanyang saloobin.

Dama ni Martin ang nalalapit na paglamig ng klima.

“Palagay mo tapos na ba ang misyon ko dito.” bulong niya sa hangin. Malakas na dampi ang isinukli ng hangin.

“Kung ikaw ba ang nasa kalagayan ko susubok ka pa ba?”

“Ikaw kailan mo nalalaman kung anong direksyon ka iihip at gaano kalakas?” dalawang magkasunod na usisa pa ni Martin.

Isang banayad na dampi ang isinukli ng hangin na parang nagsabing lahat may oras at panahon at di dapat magmadali.

Dugtong na pakiusap pa ni Martin, “Isang tanong na lang, palagay mo ba kung susubok akong muli na mangibang bayan aayon na ang tadhana sa akin?”

Katulad ng tanong ni Arlo na di sinagot ni Martin kung babalik pa siya sa pagtuturo pagkatapos ng kanyang misyon ay mistulang ganun din ang sinagot ng hangin kay Martin.

Idinuyan na ng hangin si Martin hanggang sa pagkaidlip.

“Gising na!” sabay alog na turing ni Arlo kay Martin.

“Andito na tayo, kita tayo mamaya sa cafeteria.” pasigaw na sabi ng kanyang kababata habang nauna na itong bumaba sa bus at hindi na hinintay pa ang tugon ng kaibigan.

Nagamadali si Martin na makarating ang ikalawang palapag ng departamentong kanyang kinabibilangan.

“Huling araw na pala ng trabaho sa linggong ito.” bulong niya sa kanyang sarili.

Pagtapat niya sa pintuan ng kanyang opisina ay daglian niya itong binuksan. Hinarap niya ang mga dokumentong pinarerepaso ng kanyang amo dahil kailangang ihabol ang mga ito sa lingguhang pagpupulong. Humigit dalawang oras ang kanyang ginugol para sa mga dokumento at naipasa naman niya ito sa takdang oras.

Ilang minuto pagkapasa niya ng mga dokumento ay nakatanggap siya ng tawag mula sa kanyang amo sa telepono.

Amo: “Martin, pumunta ka sa opisina ko ngayon din.”

Martin: “Opo sir.”

Sa pagpasok ni Martin sa opisina ng kanyang amo ay sabay sambit ng kanyang amo, “Pakisara mo ang pintuan.” Agad namang tumalima si Martin.

“Ano po ‘yon sir?” tanong ni Martin.

Tugon ng kanyang amo, “Tatlong buwan na lang pala ang ilalagi mo dito, anong plano mo? Babalik ka pa ba?”

Isang matipid na ngiti ang tugon ni Martin sabay sambit, “Balita ko po magbabakasyon kayo sir. Saan po?”

Nagpatuloy ang kanilang usapan at sa tuwing uusisain siya ng kanyang amo kung ano ang plano niya sa pagtatapos ng kanyang kontrata ay iniiba ni Martin ang usapan.

“Sige po sir, ilalagay ko po lahat sa iisang file ang mga dokumentong ginawa ko sa loob ng dalawang taon para kung sakaling hanapin niyo ang mga ito ay madali niyong makikita.” habilin ni Martin na parang huling araw na lang niya sa trabaho.

“Oras na pala ng tanghalian Martin, napahaba ang kwentuhan natin, kumain ka na.” sabi ng kanyang amo.

Habang papunta si Martin sa cafeteria ay naglalaro sa kanyang isipan ang pagbabalik niya sa Pilipinas at kung babalik pa ito sa pagtuturo. Sa cafeteria ay nadatnan niya ang kanyang kababatang kanina pa’y naghihintay sa kanya.

“Kain na tayo.” sabay lapit sa kaibigan.

Umusal sila ng panalangin bago tuluyang kumain.

Bago sila naghiwalay sa cafeteria ay inusisang muli ni Arlo si Martin kung ano ang plano niya sa kanyang pag-uwi.

“Palagay ko di ka na babalik sa pagtuturo.” pangungulit ni Arlo.

“Bakit mo naman nasabi?” tanong ni Martin.

“Ayos naman kahit papaano ang sahod mo, lahat ng gusto mo ay nabibili mo kaya palagay ko babalik ka pa rin dito.” pangangalawa pa ni Arlo.

“Hindi ko pa alam, itatanong ko pa sa hangin.” sambit ni Martin.

“Kita tayo sa bus.” halos sabay nilang sabi sa bawat isa sabay ngiti.

“Mam, heto na po ang aking sulat pamamaalam sa paaralang ito.” wika ni Martin sa kanyang punong-guro.

“Sir M, naiintindihan ko na madami kang pinagdadaanan, pero sana’y tapusin mo na lang ang taong ito.” pakiusap ni Mam Bell.

“Buo na po ang desisyon ko mam, sa sangang-daang kinalalagyan ko po ngayon, balang araw ikakarangal niyo din po ako.” pahimakas ni Martin.

Hindi na muling nakita pa si Sir M sa paaralang iyon.

Natapos ang araw ni Martin sa opisina at masaya siyang nagpaalam sa kanyang mga kasamahan sa departamento.

“Happy Weekend!” bati niya habang papalayo sa opisina. Pag-akyat niya sa bus ay kaagad siyang umupo sa tabi ni Arlo at sabay tapik.

“Kumusta ang trabaho?” tanong ni Martin sa kaibigan.

“Mabuti naman.” sagot ni Arlo.

Ilang saglit lang ay umandar na ang bus.

“Tatlumpu’t lima na lang ang init. Halos normal na init na lang pala.” sambit ni Martin sa kaibigan sabay turo sa termometro sa daan.

“Oo nga patapos na kasi ang tag-init.” balik naman ni Arlo.

Sabado na naman at unang araw ng trabaho.

“Yung petroleum jelly nasa aparador.” pangunguna ni Arlo.

“Mauuna na ako sa bus.” pasigaw niyang sabi sabay sarado sa pintuan.

Habang kaharap ni Martin ang sarili sa salamin at pinapahid ang petroleum jelly sa kanyang mga labi ay nangusap ang nasa loob ng salamin.

“Pagod ka na Martin.”

“Tapusin mo na ang pagpapaalipin.”

“Magturo kang muli.”

“Tuparin mo ang simumpaan mong tungkulin na hubugin ang mga kabataan sa Pilipinas.” sunud-sunod na sabi ng nasa salamin.

Tuloy pa rin sa pagpahid ng petroleum jelly si Martin wari’y walang narinig.

Pagpasok sa loob ng bus ay tinungo na niya ang upuan. Walang nagtanong ni-isa sa kanyang mga nangingintab na labi. Wala na din ang maaliwalas na mukha ng mga kasamahan, marahil dahil Sabado at unang pasok sa trabaho kaya tinatamad lahat magsalita.

Pumosisyon na si Martin sa kanyang pagtulog sa bus.

Nangahas muling magtanong si Arlo sabay sabing, “Bilang na lang ang araw natin dito babalik ka pa ba sa pagtuturo?”

Kagaya ng dati walang balik-tugon na namutawi sa labi ni Martin sa naturingan ng kaibigan.

Dumampi muli ang hanging may dalang ginhawa habang papalayo ang bus.

“Nasa tamang direksyon ka Martin, sundin mo lang ang nasa puso mo.” utos ng hangin.

“Parang ako, walang makapagsasabi kung kailan ako iihip sa silangan o kanluran, pero ramdam nila ang presensya ko.” bulong pa ng hangin.

Ngiti ang tugon ni Martin.

“Arlo!” gising nito sa kaibigan.

Gulat namang gumising ang kababata.

“Ito na ang aking huling tag-lamig!” sabay pikit sa kanyang mga mata upang damhin ang huling init ng tag-araw at salubungin ang kanyang huling unang bugso ng taglamig sa disyerto.

***

Ito po ay pakikibahagi sa Saranggola Blog Awards: Maikling Kwentong Blog